2020 Q3 Afternoon Respite Inspiration Nook

Mahilig Akong Magdamo

Isang paggunita ng nakaraan

Napakahilig kong magdamo. Ito’y aking nagisnan at napagtanto noong ako ay isang nobisyo sa Iloilo.  Subalit, bago n’yo po akong husgahan nang di kanaisnais, maaari po bang basahin nyo muna ang aking paggunita sa nakaraan at sa aking munting pagninilay-nilay.

Lumaki ako sa gitna ng siksikang siyudad.   Kahit ang kalye namin ay may mala-banyagang pangalan “Park Avenue,” ito po ay sa gitna ng mga nagdadaanang dyip at traysikel sa Pasay.  Wala kaming malawak na luntiang palaruan na pwedeng takbo-takbuhan.  Paminsan-minsan ay nakakapaglaro kami ng patintero o tumbang preso sa gitna ng maliit na tabing-daan.  Magagaling kaming huminto kung may daraan na tao o sasakyan. Walang gaanong luntian ang iyong matatanaw sa kapaligiran. Nakakatakbo lang ako sa malawak na damuhan sa paminsan-minsang pagdala ng aming mga magulang sa amin sa Derham sa Harrison (ngayon ay kinatatayuan ng Cuneta Astrodome) at kung minsan naman, ay sa Luneta.

Kahit sa mababang paaralan ng Letran kung saan ako nag-aral, nakakatakbo din ako at nakakapaglaro ng chako dahil dalawang oras ang nilaan para sa aming pananghalian, (pasasalamat kay Fr. Ramon Perez, O.P., ang aming punong-guro.)  Kaya’t naiisip ko ngayon kung anong naamoy ng aming mga guro dahil sa dalawang oras ng paglalaro sa init ng araw.  Biruin mo – lahat kami ay mga batang lalaki na mahilig maghabulan at magpapawis pagdating ng pananghalian.

(unang mabilisang pagsulong) Pagdating ko naman sa Manaoag, nasaksihan ko ang malawak na bukirin sa likod ng simbahan.  Subalit, kung kami man ay naroroon, dalawang bagay lang ang aming bitbit: una, hawak namin ang mga matatalas na karit upang tabasan ang mga naglalakihang damo.  (Wala pang magagandang tindahan at tanawain noon sa likod ng simbahan.) Ang pangalawa naman ay bitbit namin ang bola na soccer dahil madalas ang pagsasanay namin noon hanggang kami ang mga naging kinatawan sa soccer ng lalawigan ng Pangasinan sa Ilocos Region Athletic Association (Ito ay isa pang hiwalay na kuwento.)

Hanggang sa dumating kami sa mansion ng Lizares as Jaro, Iloilo.  365 na araw na pagkakataong mapag-aralan, internalisahin at isabuhay ang lahing Dominiko.  365 na araw na palakasin at itaguyod ang kapatiran naming mga kapwa nobisyo.  (365 na araw na ang merienda sa umaga at sa hapon ay ensaymada at pineapple juice – konting tawa naman diyan.)   Kayong mga bumabasa nito, alam nyo naman ang buhay sa nobisyado – kaya hindi ko na kailangan pang palawakin ang pagtatalakay nito.

Dito ko natutunan ang magdamo.  May kanya-kanya kaming lugar na pinagkakaabalahan.  May nag-aalaga ng mga rosas.  May nagtatanim ng litsugas, pipino, kamatis at sibuyas (na siya naming pinagkukunan ng gagawaing salad sa hapunan) at kung saan-saan pa (sa laki ng Lizares). Inangkin ko ang kapaligiran ng mausoleo (hindi ko alam kung andoon pa rin ‘yun ngayon – matapos itong gawing Angelicum). Unti-unti kong tinamnan ng bermuda ang kapaligiran.  Binunot ko ang mga masasamang damo. Wala akong kasing galak tuwing nabubunot ko ang mga ugat ng mga makahiya. Diniligan ko nang maayos ang bermuda hanggang sa makita kong unti-unting tumutubo nang maayos.  Tuwang-tuwa ako sa lawak ng luntiang aking napagmamasdan at sa pagbabalanse ng mga harang na bato at iba pang munting halaman.

Ngunit, di kaila sa iba na ang paghahalaman ay panahon din ng pagninilay-nilay.  Habang inaalagaan ko ang damo, madaming saloobin ang aking pinag-iisipan. Wari bang, ako’y dinadala sa kakaibang daigdig.  Kumakalma ang puso ko.  At matatanaw mo ang aking mga matatamis na ngiti habang nakikita kong gumaganda ang kapaligiran ng mausoleo. Punong-puno ang aking isipan ng mga malalalim na pag-iisip.  Wika nga natin “Contemplare et contemplata aliis tradere.” Kaya malaking tulong sa akin ang pagdadamo upang makamit ang hangaring ito bilang isang anak ni Santo Domingo.

Hindi ko kinikilala ang pagkakainip.  Ninais kong tumagal ang mga oras na aking ginugugol sa pagtatanim at sa pag-aalaga ng mga halamanan sa kapaligiran ng mausoleo. Ngunit, sumusunod din naman ako sa tawag ng Panginoon sa pamamagitan ng kampanilya kung tapos na ang mga sandaling nakalaan sa gawaing ‘yun.  Alam kong darating ang panahon na lilisanin ko din ang Lizares at ang mausoleo.  Subali’t hindi yun naging hadlang sa aking tuluyang pagkaloob sa pagdadamo.

Hanggang sa kami’y makarating na sa Santo Domingo.  Wala na akong pagkakataon magdamo.  Ang munting kaligayahan ko na lamang ay tuwing natatanaw ko sa aking bintana ang palaruan ng Angelicum.

(pangalawang mabilisang pagsulong) Hanggang sa dumating na ako ay nagkaroon ng pagkakataon na makabili ng munting lugar sa Las Pinas.  Isa ako sa mga naunang nakalipat sa lugar na ‘yun.  Sa kabutihang palad, may kapwa akong guro na ang pamilya ay may negosyo ng “blue grass” sa  Calumpit, Bulacan. Kaya, habang inaayos ko ang aking munting tirahan, pinalaganap ko naman ang pagdadamo sa aking kapaligiran.  Dahil sa maliit lang naman ang lugar, madali ko itong napakapal.  Madami nga akong mga kapitbahay na nakinabang sa aking mga damo.  Tuwing ito’y kumakapal at kumakalat, buong puso ko binabahaginan ang aking mga kapitbahay upang magtanim din sila ng damo. Kaya lang, ginawa ng mga aso sa kapaligiran na Rizal Park ang aking damuhan.  Doon sila namamahinga at kung minsan ay natutulog. Yun nga lang, mahilig din silang mag-iwan ng mga di-kanaisnais na kinakailangan kong pulutin at linisin.  Di bale na nga, ‘kako, tutal ang aso ay ang kabalikat ni Santo Domingo.

(pangatlong mabilisang pagsulong) Ngayon ako ay nasa Texas na.  Pinagpala din naman ako na magkaroon ng may kaunting kalawakang bakuran kung saan tinamnan ko na naman ng damo – bermuda.  Sa maniwala kayo o hindi, sinimulan ko ito sa pagtanim ng punla sa lugar na humigit kumulang ay 4 x 10 na metro.  Pinagtiyagaan ko na naming bunutin ang mga nagkalat na ugat ng makahiya hanggang sa makamit ko ang aking minimithing tanawin ng bermuda – luntian at pantay-pantay ang tubo. Hindi pa rin naalis sa akin na ang pagdadamo ay pagkakataon upang magnilay-nilay ng mga magagandang hangarin sa buhay at sa kapaligiran.

Ang kaibahan nga lang, natutunan ko na ring mahalin ang pagtanim ng rosas, sampaguita, dama de noche at iba pa.  Kabilang na din dito ang ilang puno ng prutas at kung anu-ano pang puno.  ‘Yun nga lang, nung nakaraang dalawang taon, medyo nakalimutan kong alagaan ang aking damo dahil sa dami ng gawain sa pagtuturo at dahil sa hindi ko kayang magbayad ng mga panandaliang hardinero.

Ngunit, dumating ang Covid-19.  Ika-50 araw ko na ito na hindi ako pumapasok sa paaralan.  Kaya’t, nabigyan na naman ako ng pagkakataon upang balikan ang aking hilig – ang magdamo.  Muli, ako’y nawiwili sa pagbunot ng mga masamang damo at sa pagpalawak ng magandang bermuda.  Humigit kumulang, mga isandaang araw pa ang aking hinaharap bago bumalik sa silid-aralan (sa awa ng Diyos – kung matapos na ang pandemyang ito pagdating ng kalagitnaan ng Agosto.)  Kaya, muli kong mamatamisin ang paghinto at pag-amoy ng mga bulakalak , pagmasdan ang ulap at pasalamatan ang Maykapal sa ganda ng kapaligiran at kalikasan.

Halina, samahan nyo ako sa aking pagdadamo!

Manuel "Earl" Marasigan
"Fray Earl” joined the Dominicans after finishing high school at the Our Lady of Guadalupe Minor Seminary in Makati. Three years with the Dominicans gave him the opportunity to be a postulant at Manaoag, a novice at Iloilo and a Corista at Santo Domingo. Thereafter, he earned his A.B. Philosophy degree from UST Manila. He subsequently earned a Master of Science and a Doctor of Education both with a major in Educational Management at the De la Salle University, Manila. Career experiences began with 9 memorable and heart-warming years of teaching at Colegio San Agustin, Makati. Later, having migrated to Houston, Texas, Fray Earl managed occupational rehabilitation facilities for 5 years that led to another 4 years of accreditation consulting for rehabilitation facilities. Realizing the dire need for teachers in the USA, Fray Earl then partnered with his immigration lawyer brother in bringing 187 teachers to the USA, starting with his colleagues from Colegio de San Agustin, Makati. However, when implementation of immigration laws became difficult for teachers to be brought, Fray Earl returned to his original passion – teaching. This is now his 7th year of teaching in a Texas independent school district where he teaches pre-AP English, serves as English Department chair and sponsor of the National Honor Society. His pastime now includes a lot of gardening, as well as volunteering for various services in his home parish – St. Thomas Aquinas, Sugarland.

2 Replies to “Mahilig Akong Magdamo

  1. I enjoyed reading your article, fray Earl. Isang mapagyamaning topiko ng isang dalubhasang manunulat kagaya mo. Sana bigyan mo pa ng daan ang likas na galing para masundanpa ng maraming artikulo para sa mga susunod na labas ng Epistoliorum.

  2. Fray Earl,
    Ang iyong pagdadamo ay kanaisnais. Kakaiba sa pagdadamo ng karamihan. Nais rin sana ni Alicia at ng kanyang kabiyak na magdamo tulad ng ginagawa mo subalit hindi pa nila natutupad ang kanilang ninanais.
    Sa ngayon ang pagluluto at ang paglalakbay ang kanilang binibigyang pansin. Siguro, kong mapagod na sila sa kalalakbay, mararanasan din nila ang kaligayahang maibibigay lamang ng mga nagdadamo. Maraming salamat sa iyong pagbahagi ng iyong kaligayan. Sana masundan pa ng marami ang una mong
    articulo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *