Anak, ano ba ang gusto mong marinig?
Di ba gusto mong gamutin kita? Lahat ng paghihilom nang anumang sugat
ay nagsisimula sa pagiging totoo.
MAGPAKATOTOO KA!
Kailan ka pa natutong magmura?
Kailan ka pa natutong mang-api ng kapwa mo?
Itinuro ko ba sa iyong magnakaw ka?
Mahal kita, Anak.
Napakahaba na ng ating pinagsamahan.
Pati na nang iyong mga ninuno.
Pero lahat ng labis ay kinakalos. Lahat ng baluktot, itinutuwid.
Lumilitaw ang baho mo,
pag nagbabasa ako sa Social Media.
Kayo-kayong mga Kristiano ang nagbabangayan!
Kayo-kayo ang nagsasabuyan ng asido sa mukha!
Talaga bang gubat na ang puso mo?
At estero na ang iyong diwa?
Hindi ko na makilala ang aking nilikha!
Tinawag kita na maging Perlas ng Silanganan.
“The Only Catholic Nation in the Orient.”
Ano na ang nangyare?
Anak, tapos na tayo sa sarsuela at palabas.
Alam mo ang totoo.
Alam ko ang totoo.
Dito tayo magtagpo.
SA KATOTOHANAN!
Hindi ka pa ba sawa sa pagiging doble-kara mo?
Kilala kita pag nasa loob ka ng simbahan.
Kilala kita pag nangungumunyon ka.
Pero pag lumabas ka na ng pinto ng simbahan,
hindi na kita makilala.
Anak ba kitang talaga?
Kailangan bang dumating ang Covid-19
para makapasok ako sa tahanan mo,
sa pamilya mo,
sa puso mo?
Kung minsan, gusto ko nang sumuko.
Sawang-sawa na akong maging Diyos sa Quiapo.
Kilala mo lang ako kung may kailangan ka.
Mas mahalaga sa akin hindi ang dasal mo
kundi ang puso mo.
Hanggang hindi tunay ang pagsisisi mo,
hanggang balatkayo ang iyong pagbabago,
hanggang tubog sa ginto ang iyong puso,
habang-buhay akong gagala sa lansangan
at mamamalimos ng barya sa Quiapo.
Maghihintay ako sa iyo,
Anak, sa iyong TUNAY NA PAGBABALIK
hanggang sa maghunos ang Araw
AT SUMIBOL ANG TUNAY NA IKAW!